Monday, February 14, 2011

Pinakamamahal

Sa langit taimtim na nagdarasal
At nagpapasalamat sa Maykapal
Na saki'y ika'y kanyang ibinigay,
Natatangi't nag-iisang pinakamamahal.

Tanging sagot sa matagal na tanong
Katapusan saking nadaramang lungkot.
Sa paglinap mong tapat at totoo
Tunay na kasiyahan ang aking natamo.

Anghel na pinalipad pababa sa akin
Upang nanlalamig na puso'y painitin
Sa paglukob ng pakpak mong kay higpit
Walang hanggang ligaya ang nakamit.

Pinakamamahal laging pakatatandaan
Ikaw lamang higit sa kaninuman
Tanging liwanag sa landas na tinatahak
Kinakaya't lumalaban, sapagkat ika'y nariyan.

Patuloy na mananalangin sa langit
Na wag ka muna sa akin ay kunin,
Makikiusap at patuloy kang hihiramin
Sapagkat ang mawala ka'y di kakayanin.

Namumukod tangi't nag-iisang iniibig;
Sa buhay ko'y wala kang kaparis
Kaya naman pinakamamahal giliw
Ang talikdan ka'y hindi kailanman susubukin.

No comments: